Thursday, September 20, 2007

Katawang Walang Ulo

may piping hinaing ang litrato,
ng hubad na katawang
walang ulo.

walang bakas ng dugo
na naiwan sa sugpungan
ng mga buto.

ipinagkait ang liwanag,
sa matang inilibing
sa semento.

wala na rin ang tinig,
na minsang nagtanggol
sa mga kuliglig.

katahimikan ang musika,
sa taingang sinaksakan
ng bomba't granada.

wala na ang kanyang ulo,
kaya't si katarungan
hindi na bistado.

Tuesday, September 18, 2007

Kagat Sa Mansanas

bumagsak ang mansanas sa ulo ni Newton,
kumatok sa daigdig ang lamog na dunong.
mga dalubhasa't pantas inalipin ng agham,
nagmarka ang katas sa aklat ng kasaysayan.

hindi iilan ang naghangad,
kumagat sa mabunying prutas.
at hindi rin iilan ang nakisawsaw,
sa eksena nina Juno,Hera at Venus.
walang nakinig sa mga babala,
ng mga isinugo at mga propeta...
sa loob ng mansanas,
may nananahang ahas...

hindi magtatagal mabubulok ang mansanas,
tuluyang lalaya ang demonyong ahas.
ang Tore ni Babel ay muling itatatag,
at magsisilbing tungtungan ng mga mapaghangad,
at muling pipitas ng panibagong prutas...

...at duon sa dakong di-abot ng tanaw,
lumuluha si Adan habang nakadungaw.
pinagsisisihan ang kanyang sinimulan.

Laya

may layang isinisigaw
ang patak ng ulan
ang agos ng ilog
laya rin ang tinutumbok
ganun din kaya
ang nais ipabatid?
ng mga mata kong
sa luha'y nagingilid?
kapag umaapaw
ang lungkot sa dibdib...

Katuwiran

sa mundo kung saan
matimbang ang langis
mananatiling asin
ang luha mo't pawis
meron bang puwang
ang iyong tinig?
kung lagi nang panis
ang laway mo sayong bibig?

sa mundo kung saan
hari ang semento
mananatiling tatsulok
ang hugis ng mundo
magagawa mo bang
ibuwal ang pader?
kung ang tanging sandata mo
ay lapis at papel?

sa mundo kung saan
bida ang pilosopo
mananatiling blangko
ang laman ng 'yong ulo
meron bang silbi
ang iyong dahilan?
kung ang tanging alam mo
ay iling at tango?

Bernardo Carpio

kadiliman ng gabi'y ginulantang
nang sa ere'y pumailanlang
ang halakhak ni Ares...
at sa dakong timog
ay aking natanaw
ang pagguhit ng pulang ilaw
at ako'y nasilaw...

tinahak ko ang daan
patungong silangan
sa pagbabakasakaling
doon masumpungan
ang tunay na liwanag
ngunit sa bawat hakbang
ng aking mga paa
bumabaon sa talampakan
ang pira-pirasong bubog
ng basag na perlas...

sa diwa kong nangangalay
katanunga'y humihiyaw:
"may pag-asa pa kayang
sumikat ang araw?
kung ang awtoridad
ay nasa kanluran?"
at ang diwa kong pagal
ay tuluyang nahimlay...

sa pagbabalik-diwa
sarili'y natagpuan
sa pagitang ng dalawang
nag-uumpugang bato
sa buhay na katauhan
ni Bernardo Carpio...

Deboto

nang humupa ang baha
natagpuang bulagta
ang imahe ng santong
di na makilala ang mukha

ang nagdaang bagyo
ay sadyang kaybangis
kaya't sa pwesto nya'y
hindi siya nakaalis

kagabi'y kaharap siya
ng relihiyosong pamilya
habang nagdarasal
ng sandaang aleluya

bumulusok ang ulan
bumaha pagkaraan
nahintakutang pamilya'y
nagsiakyat sa bubungan

buti na lang
sya ay bato
hindi nya naramdaman
ang bagsik ng delubyu

ngunit di sya makabangon
sa kanyang pagkakasubsob
marahil ay pinulikat
sa kanyang pagkakababad

sumagi sa aking alaala
ang kampanaryo ng cagsawa
pangakong kaligtasan
bangungot na libingan!

Huwad!

rebultong inukit
mula sa bato
pinintahan at
iwinangis sa santo
inilagay sa lugar
na nakikita ng tao
pilit na sinamba
at inidolo

at ngayon
ang dating
inaapak-apakang bato
diyos na
sa tingin ng tao!

kapirasong kahoy
na mula sa bundok
kalahiti'y pinanggatong
sa apoy natupok
kalahati'y nililok
inukit,hinubog
ginawang imahe
ng diyos?

bukas, makalawa
itatanghal sa plasa
at pagpipiyestahan
ng mga tanga!

ipinagluluksa mo
ang kalagayan ni kristo
sa krus!
subalit sa kamay mo
hawak mo
ang martilyong pamukpok!

Babala!

Magsusulat ka ba ng tula?

Huwag masyadong mahaba.
Baka mabagot ang nagbabasa
at di-maintindihan
ang tunay na paksa.

Susulat ka ng tula?

Huwag mong laliman
ang mga salita.
Baka mabasa ng paslit na bata
at di-maarok
ang iyong talinghaga.

Ano?
Susulat ka ba ng tula?

Huwag kang manuligsa!
Huwag mong pag-alabin
ang mga damdaming gutom
sa huwad na paglaya.
Ang tula ay sining
huwag mong gamitin
sa pagtataguyod
ng prinsipyong lasing!

Mag-isip ka...

Balak mo pa bang sumulat ng tula?

Pamamaalam

(tuwa'y hindi maikubli
habang nag-eempake
ng mga kamiseta't pantalong
kinupas na ng panahon...)

ilang taon na rin ang lumipas
hindi na rin mabilang
mga dahon ng kalendaryong nalagas
simula nung tayo'y nagsama
kulang ang daliri
sa kamay at paa
kung bibilangin ang taong
sa piling mo'y inilagi...

(tapos na ang pagliligpit
ng mga baro't gamit
ngunit maluwag pa ang maleta
meron bang hindi nadala?)

babaunin ko ba
ang iyong alaala?
iniwan ko aking pamilya
upang sayo'y makisama
ako ba'y naging masaya?
inaamin kong sa piling mo
marami ang nagbago
sa buhay kong ito
ako'y iyong kinupkop
mga kamalia'y iwinasto
hindi ka man kumikibo
nararamdaman ko...
sa gabing malamig
tanging ikaw ang kaniig
hindi ka man umiimik
kasiyahan ko'y lubos
pag ika'y nahahaplos...

(singgaan ng pakiramdam
ang maletang tangan
handa nang umalis
ako ba'y magpapaalam?)

sinlamig ka ng yelo
ito'y aking nalalaman
kahit na ako'y lumisan
hindi ka magdaramdam
wala kang pakiramdam
dahil sanay ka na
datnan at iwanan
sa ganun ka nakalinya...

paalam na sa'yo
ako'y aalis na
minahal na rin kita
ngunit mas mahal ko
ang aking pamilya
sila'y naghihintay
sa aking paglaya...

paalam na sa'yo
rehas na bakal
hindi na tayo magkikita
ako'y magbabagong-buhay...

Ligaw Na Bala

Putok ng baril,
Tilamsik ng dugo,
Inang umiiyak,
Hawak si bunso,
Magulong senaryo,
Iba't ibang tinig,
At katahimikan...
Ang ama'y dumating,
Lango sa alak,
Sa kama'y may hawak,
Na isang rebolber

Simula't Wakas Ng Makasalanang Mundo

Doon sa madilim na sulok ng kalawakan,
Sa piniling lugar ng Mapagpalang Kamay,
Ay doon sumibol ang dahon ng Genesis,
Upang isakatuparan ang Kanyang mga nais.

Kinagat ni Eba ang bungang ipinagbabawal,
Ang buong sansinukuba'y nalipos ng kasalanan.
Paraiso ng Eden ikaw ngayon ay nasaan?
Mundo kong ito'y nasadlak na sa karimlan.

Sa lupa'y umagos ang dugo ni Abel,
Ang kamay ni Cain ang siyang kumitil.
Kapatid ko,kapatid ko ako ay nalilito?
Dugo mo at dugo ko kulay ba ay pareho?

Sa lupa'y bumulusok ang isang delubyo,
Upang parusahan ang makasalanang mundo.
Doon na nga kaya nagwakas ang lahing makasalanan?
Sa arko ni Noe na palutang-lutang?

Ang mundo'y linukob na ng kamandag ni Hudas,
Ang dugo ni Abel sa lupa ay sariwa.
Paraiso'y nalagalag,sa kadilima'y nabulid,
Sa ilalim ng pakpak ng Apocalipsis.

Mabato At Madamo

anak
sa paglalakad mo
d'yan sa labas
hangga't maaari
sa madamo'y umiwas
sapagka't yaon
ay pamugaran ng ahas
mapanukso,makamandag

anak
ayokong mangyari sa'yo
ang sinapit
ng mga kababata mo
d'yan sa may kanto
natuksong maglaro
doon sa madamo
nawili,nalibang
hanggang naging bisyo
ang paglalaro ng damo

anak
sa paggala-gala mo
'wag ka sanang mapadpad
doon sa mabato
sa mabato'y delikado
baka madulas ka
ang ulo mo'y mabagok
magkalamat

anak
ayokong matulad ka
sa dati mong kaeskwela
imbes na mag-aral
sa mabato nagpunta
nagpagulong ng bato
nagtulak
pinilit binuhat
ngunit di-kinaya ang bigat

anak
ayokong masira
ang 'yong mga pangarap
ang mabato at madamo
ay sugalan lamang
ng mga patapong buhay
'wag mong ipupusta
ang iyong kinabukasan

Tuesday, July 17, 2007

PAG-IBIG

dinigma ng alon
ang pulutong ng buhangin
sa dalampasigan
di-maawat na paghahamok
damdaming nag-uumapaw
tulad ng puso kong
nais tumalon,kumawala
sa aking dibdib
tuwing ika'y makikita
sa saliw ng ihip
ng hanging amihan
may tugtuging hatid
ang iyong paggalaw
puso koy umiindak
sumasayaw sa galak
dibdib ko'y tumatambol
tuwing sayo'y napapasulyap
kaysarap pagmasdan
taglay mong kariktan
mata'y pagtampisawin
sa batis ng iyong
kagandahang taglay
handog ko sayo'y
bulaklak sa parang
kapiling ng mga puno
ibon at halaman
may awiting likha
ibinulong sa hangin
musikang sa iyo'y
nais sanang iparating
at kung marinig mo
sana'y bigyang pansin
ang abang paggiliw
damdaming di-masabi
tanging langit ang saksi
sana mamayang gabi
sa iyong pagtingala
mabatid mo ang mensahe
sa ningning ng mga tala
sa bilog na buwan
may ngiting nakasilay
sa aking pag-ibig
siya ang magpapatunay